Saturday, March 8, 2025

PINSAL DE CABATACAN FALLS, ANG PINAKAMAGANDANG WATERFALL SA LASAM

 Tourist Spot Alert:

PINSAL DE CABATACAN FALLS: ANG PINAKAMAGANDANG WATERFALL SA LASAM

📌 Cabatacan West, Lasam, Cagayan

MATATAGPUAN sa paanan ng makapangyarihang kabundukan ng Cordilleras, sa kanlurang bahagi ng Lasam, malapit sa hangganan nito sa bayan ng Flora, Apayao, ang Pinsal de Cabatacan Falls ay isang natatanging likas na atraksiyon. Napapalibutan ito ng mga matataas na bundok at makakapal na kagubatan, at mararating lamang ito mula sa bayan ng Lasam. Imposible itong marating kung ikaw ay magmumula sa silangang bahagi ng Flora dahil sa taas at sukal ng mga bundok na tatahakin mo. Bukod pa rito, wala pang "established trails" sa bahaging ito ng Flora patungo sa bayan ng Lasam.

Ang Pinsal de Cabatacan Falls, ang pinakapambihirang talon sa bayan ng Lasam

Sa teknikal na terminolohiya, ang salitang "pinsal" sa Ilokano ay nangangahulugang maliit na talon na tinatawag ring "cascade" sa Ingles. Kung ang cascade ay mayroong well-defined at enclosed na "plunge pool" (basin), tinatawag itong "pekkan" sa Ilokano, samantalang maaari nang matukoy na talon o waterfall ang anyong tubig kung ito ay may konsiderableng taas at may tuloy-tuloy na malakas na pag-agos sa anggulong halos 90 degrees.

Tinawag itong Pinsal de Cabatacan upang magkaroon ito ng sariling pagkakakilanlan dahil sa dami ng mga waterfalls sa Hilagang Luzon na mayroon ring pangalang Pinsal. Ang Pinsal ay hindi lamang tumutuloy sa iisang lugar o talon, ngunit kung daragdagan mo ito ng katagang "de Cabatacan", malalaman nating ito ang natatanging waterfall na matatagpuan lamang sa bayan ng Lasam, partikular sa Barangay Cabatacan West.

Isa sa mga marami pang "cascades" sa palibot ng Pinsal de Cabatacan Falls

Ang Pinsal de Cabatacan Falls ay isang uri ng fan waterfall, ibig sabihin, ang daloy ng tubig ay hugis abaniko. Mula sa isang stream ng tubig sa itaas, kumakalat ito na parang abaniko habang ito ay bumubulusok patungo sa plunge pool o ilog. Ang limestone rock kung saan dumadaloy ang tubig ng talon ay hugis tatsulok o tila may anyong bunot (lampaso). Bukod tangi ito sa lahat ng mga waterfalls sa bayan dahil sa pambihira nitong porma at anyo.

Dagdag pa rito, ang Pinsal ay isa ring multi-cascade falls dahil napapalibutan ito ng mas maliliit pang mga cascades. Tatlo sa mga cascades ay mayroong butas o cavern sa ilalim na nahulma mula sa milenyang pagtunaw ng tubig sa mga limestones hanggang sa tuluyan itong nakagawa ng mga butas o cavern at maliliit na tunnels.

Mula sa milenyang pag-agos ng tubig sa mga limestones, nabuo ang mga caverns sa Pinsal de Cabatacan

Mas lalong nagiging kagila-gilalas ang anyo ng Pinsal tuwing darating ang tag-ulan dahil lumalakas ang mga kulay puting agos na tila mga snow o niyebe na dumadausdos mula rito. Sa palibot nito ng Pinsal, kapansin-pansin ang dami ng mga pako (fiddlehead ferns), bilagot (aba ti bantay) at arimuran (rattan) na siyang nagbibigay luntiang kulay sa kapaligiran.

Sa kapal ng kagubatang matatagpuan sa bahaging ito ng Cabatacan West, dito nakita ang presensiya ng mga pambihirang hayop gaya ng Philippine hanging parrot, Luzon hawk-owl at golden crowned flying fox na naisama sa cultural mapping of natural heritage sa isinasagawang Project LaCASA (Lasam Culture and Arts Significant Artifacts) upang tukuyin ang mga nakakamanghang hayop na matatagpuan sa munisipalidad.

Ang Pinsal de Cabatacan Falls ay isang uri ng multi-cascade waterfall

Ang mga pambihirang katangian nito ang patunay na ang Pinsal de Cabatacan Falls ay ang pinakamagandang waterfall sa buong bayan. Katunayan, ito ang naging flagship waterfall ng Lasam na napabilang sa Coffee Table Book ng Cagayan Provincial Tourism Board. Umabot sa mahigit dalawang libong Facebook shares ang Pinsal de Cabatacan nang una itong nailathala sa ating social media, ang pinakamarami sa lahat ng mga nailathalang tourist spots ng Lasam. Naging nominee rin sa isang online voting platform Visit My Bayan ang Pinsal de Cabatacan na umani rin ng kamangha-manghang bilang ng mga reactions mula sa mga travelers at viewers sa buong Pilipinas.

Isa sa mga maraming caverns na matatagpuan sa Pinsal de Cabatacan

Ang katubigan ng Pinsal de Cabatacan ay mayaman rin sa talangka (agatol o forest crabs) at susong-pilipit (agurong o jagora shell), patunay na ang bahaging ito ng kagubatan ay malusog pa at kaya pa nitong suportahan ang iba't ibang ekosistema at biodiversity sa lugar.

Ngunit may isang pangitain tayong nakikita:

𝙆𝙖𝙖𝙠𝙞𝙗𝙖𝙩 𝙣𝙜 𝙠𝙖𝙣𝙮𝙖𝙣𝙜 𝙩𝙖𝙜𝙡𝙖𝙮 𝙣𝙖 𝙠𝙖𝙜𝙖𝙣𝙙𝙖𝙝𝙖𝙣 𝙖𝙮 𝙖𝙣𝙜 𝙥𝙖𝙣𝙜𝙖𝙣𝙞𝙗 𝙣𝙞𝙩𝙤 𝙨𝙖 𝙠𝙖𝙢𝙖𝙮 𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙥𝙖𝙣𝙜𝙖𝙝𝙖𝙨. 𝙃𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙢𝙖𝙡𝙖𝙮𝙤𝙣𝙜 𝙨𝙖 𝙙𝙖𝙧𝙖𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙣𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙥𝙖𝙣𝙖𝙝𝙤𝙣, 𝙖𝙣𝙜 𝙠𝙪𝙠𝙤 𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙜𝙖𝙣𝙞𝙙 𝙖𝙩 𝙝𝙖𝙮𝙤𝙠 𝙖𝙮 𝙢𝙖𝙠𝙖𝙠𝙖𝙧𝙖𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙨𝙖 𝙥𝙪𝙨𝙤𝙣 𝙣𝙜 𝙠𝙖𝙜𝙪𝙗𝙖𝙩𝙖𝙣. 𝘼𝙣𝙜 𝙢𝙖𝙠𝙖𝙥𝙖𝙡 𝙣𝙖 𝙠𝙖𝙜𝙪𝙗𝙖𝙩𝙖𝙣𝙜 𝙨𝙪𝙢𝙖𝙨𝙖𝙠𝙡𝙖𝙬 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙗𝙪𝙣𝙙𝙤𝙠 𝙣𝙜 𝙋𝙞𝙣𝙨𝙖𝙡 𝙖𝙮 𝙩𝙖𝙩𝙖𝙢𝙗𝙖𝙙, 𝙖𝙩 𝙢𝙪𝙡𝙖 𝙨𝙖 𝙠𝙖𝙣𝙮𝙖𝙣𝙜 𝙥𝙖𝙜𝙠𝙖𝙠𝙖𝙮𝙖𝙨𝙖𝙠, 𝙢𝙖𝙜𝙡𝙖𝙡𝙖𝙜𝙖𝙗𝙡𝙖𝙗 𝙨𝙖 𝙡𝙖𝙜𝙣𝙖𝙩 𝙖𝙣𝙜 𝙣𝙤𝙤 𝙣𝙜 𝙠𝙖𝙗𝙪𝙣𝙙𝙪𝙠𝙖𝙣 𝙖𝙩 𝙢𝙖𝙜𝙡𝙖𝙡𝙖𝙝𝙤 𝙖𝙣𝙜 𝙖𝙨𝙖𝙢 𝙣𝙖 𝙠𝙧𝙞𝙨𝙩𝙖𝙡 𝙣𝙖 𝙗𝙪𝙢𝙪𝙗𝙪𝙠𝙖𝙡 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙞𝙡𝙤𝙜.

Huwag sana natin itong hayaang mangyari.™️

___

(Sonnyboy Pacursa)

Isa lamang ito sa marami pang tanawin na matatagpuan sa Pinsal de Cabatacan Falls

ExploreLasam #EndlessFunCagayan #VisitCagayanPH  #PinsalDeCabatacanFalls #PinsalFalls #CabatacanWest #LasamCagayan #IntoTheWildSeries #TWOrismoSaLambak #RacetoHundredFalls #LoveThePhilippines